Tatlong lalaki ang nasangkot sa isang umano’y engkuwentro sa Brgy. Panadtaban, Rajah Buayan na nauwi sa pagkaka-aresto at pagkakakumpiska ng mga baril, nitong gabi ng Hulyo 7, 2025.

Ayon sa ulat ng Rajah Buayan Municipal Police Station, bandang alas-9:45 ng gabi nang maganap ang insidente, habang nasa checkpoint ang mga tauhan ng PNP sa National Highway sa Brgy. Sapakan. Nakapagtanggap ng tawag mula sa hindi pinangalanang informant na may nagaganap umanong barilan sa Brgy. Panadtaban—isang komunidad ng MILF at tinatayang 8 kilometro mula sa himpilan ng pulisya.

Agad rumesponde ang tropa ng pulisya sa pamumuno ni PCpt. Argie A. Eyana kasama ang 33rd IB sa pamumuno ni Lt. Col. Germen T. Legada. Pagsapit sa lugar, nagsagawa ng clearing operation ang mga awtoridad at naabutan ang tatlong suspek — isa ang arestado habang dalawang iba pa ay sugatan.

Kinilala ang mga suspek na sina Nur Muktar Utto (arestado), Baguindali Musa Maon Jr., at Aris Lido, pawang mga residente ng Brgy. Panadtaban. Dinala ang mga sugatang suspek sa IPHO Shariff Aguak at kalauna’y inilipat sa Cotabato Regional Medical Center para sa karampatang lunas. Nasamsam sa operasyon ang isang (1) M14 rifle 7.62mm (SN: 483544) na may isang magazine at dalawang bala, isang (1) cal. 45 na baril (SN: 611233) na may isang magazine at isang bala at isang (1) improvised na 12-gauge na baril.

Ang kaso ay iniimbestigahan ni PMSg Lahmudin A. Ali. Samantala, si Nur Muktar Utto ay nasa kustodiya na ng Rajah Buayan PNP para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.