Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) na puspusan ang kanilang paghahanda sa usapin ng seguridad para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections na nakatakda sa Oktubre 13.

Ayon kay Atty. Aimee Ferolino, Commissioner-in-Charge ng halalan sa BARMM, tuloy-tuloy ang mahigpit na koordinasyon ng COMELEC sa mga ahensiyang panseguridad gaya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) upang tiyaking maayos at ligtas ang pagdaraos ng halalan.

Sinabi ni Ferolino na kasalukuyan na rin silang nakikipagpulong sa mga security officials para plantsahin ang deployment plans ng mga karagdagang tropa na ipapakalat sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Sa ngayon, iginiit ni Ferolino na wala pa silang nakikitang lugar sa BARMM na kailangang isailalim sa “red category” o mga lugar na itinuturing na high-risk sa eleksyon. Paliwanag niya, mas manageable ang sitwasyon dahil limitado lamang ang mga posisyong paglalabanan at hindi kalakihan ang saklaw ng eleksyon kumpara sa national level.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Ferolino na patuloy ang dayalogo ng COMELEC sa Moro National Liberation Front (MNLF) kaugnay ng isyu sa alokasyon ng pitong upuan sa parlamento. Layunin umano ng komisyon na maresolba ito sa mapayapa at makatarungang paraan bago ang halalan.

Sa kabila ng mga isyung kinakaharap, hinimok ni Ferolino ang publiko na manatiling kampante. Giit niya, kung naging tahimik at maayos ang katatapos lamang na 2025 Midterm Elections, mas lalo pa nilang masisiguro ang kaayusan ng halalan sa BARMM ngayong Oktubre, lalo’t mas tutok ang COMELEC at mas organisado ang pagtutulungan nila ng mga security forces.