Ipinamalas ng Ministry of Trade, Investments, and Tourism (MTIT) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang makulay na kultura at natatanging produkto ng rehiyon sa isinagawang Halal Products Exhibit noong Hunyo 27–29 sa Quantum Skyview, Quezon City.

Ang naturang exhibit ay bahagi ng SALAAM 2025: The Halal Tourism and Trade Expo Philippines, isang pambansang aktibidad na inorganisa ng Department of Tourism (DOT) upang itaguyod ang Pilipinas bilang isang world-class destination para sa halal tourism at aktibong kalahok sa global Halal economy.

Sa opisyal na pahayag ng MTIT sa kanilang Facebook page, binigyang-diin nilang ang event ay naging daan upang mailahad hindi lamang ang mga produkto na may Halal certification, kundi pati na rin ang mga pagtatanghal at makabuluhang diskusyon ukol sa industriya.

“Ang SALAAM 2025 ay tumutulong upang maipakita ang iba’t ibang Halal-certified products at Muslim-friendly offerings mula sa mga masigasig na negosyante at mapagkakatiwalaang mga tatak sa buong bansa,” ayon sa MTIT.

Kabilang sa mga itinampok ng BARMM sa exhibit ang mga homegrown MSMEs na layuning mas mapalawak ang pamilihan at oportunidad para sa mga lokal na prodyuser.

Sa patuloy na paglahok ng BARMM sa mga pambansang trade events, muling pinagtibay ng MTIT ang kanilang adhikain na bumuo ng isang inclusive Halal industry na nagbibigay ng karangalan at kabuhayan para sa mga Bangsamoro.