Nasakote ng mga operatiba ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang dalawang lalaking umano’y sangkot sa ilegal na pagbebenta ng mga baril sa isinagawang entrapment operation sa Barangay Mipaga, Marawi City, Lanao del Sur, pasado ala-1:00 ng hapon kahapon.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek na sina alyas Mamor, 36-anyos, miyembro ng Peacekeeping Force ng Mindanao State University (MSU) Marawi, at alyas Sarip, 34-anyos, isang tsuper. Kapwa residente ng Lanao del Sur ang dalawa.

Naaresto ang mga suspek matapos tangkaing ibenta ang mga armas sa isang operatibang nagpanggap na buyer.

Pinangunahan ng Marawi City Police ang operasyon sa koordinasyon sa iba’t ibang yunit ng PRO-BAR. Kabilang sa mga nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang M14 US rifles, dalawang caliber 5.56mm firearms, at iba pang ebidensya.

Ayon sa PNP, matagal na nilang mino-monitor ang galaw ng dalawa dahil sa pagkakasangkot umano ng mga ito sa ilegal na kalakalan ng armas sa rehiyon.

Kakaharap sila ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.