Arestado ang isang lalaki sa ikinasang entrapment operation ng mga operatiba ng Cotabato City Police Office matapos itong masangkot sa serye ng paglabag sa mga batas kaugnay ng robbery-extortion, cybercrime, at iligal na droga.

Kinilala ang suspek na si Erwin Tose Balofiños, 29 anyos, binata, at residente ng Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Sur. Nahuli ito dakong 1:05 ng hapon kahapon, Hulyo 11, 2025 sa Sinsuat Avenue, Barangay Rosary Heights 13, Cotabato City.

Ang operasyon ay pinangunahan ng mga tauhan ng Police Station 2, CCPO sa pamumuno ni PMAJ Teofisto R. Ferrer Jr., katuwang ang mga operatiba mula sa Regional Anti-Cybercrime Unit BAR sa pamumuno ni PLT Mac Sharry D. Campaniel sa ilalim ng direktang superbisyon ni PLTCOL Arnold P. Acosta, OIC ng RACU-BAR, at ng Regional Intelligence Action Team-Counter Terrorist Unit, Cotabato City Team.

Nahaharap si Balofiños sa mga kasong paglabag sa Article 294 ng Revised Penal Code (Robbery-Extortion), Republic Act 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act), kaugnay ng Section 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Narekober mula sa pag-iingat ng suspek ang mga sumusunod: isang unit ng Vivo phone na kulay pula, isa pang unit ng Vivo Y model phone na kulay pula, isang sachet ng hinihinalang shabu, at limang piraso ng P1,000 boodle money.

Siya ay pansamantalang nakakulong ngayon sa Police Station 2 ng Cotabato City para sa dokumentasyon at pagsasampa ng mga kaukulang kaso habang hinihintay ang inquest proceedings.