Umabot sa P91.6 milyon ang halaga ng agricultural inputs at equipment na ipinamahagi sa 245 farmers’ cooperatives sa loob at labas ng mainland ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa ilalim ng Project TABANG.
Ang distribusyon ay sinimulan noong Hulyo 3 bilang bahagi ng Oplan Bangsamoro Rapid Assistance (OBRA), na layuning palakasin ang operasyon at produksyon ng mga kooperatiba ng magsasaka sa rehiyon.
Kabilang sa mga ipinamahagi sa bawat kooperatiba ang 17 bag ng binhi ng mais, 10 sako ng binhi ng palay, 20 sako ng abono, 10 galon ng herbicide at pesticide, 2 galon ng foliar fertilizer, at 10 knapsack sprayers.
Sa kabuuan, 231 kooperatiba na ang nakatanggap ng ayuda: 99 mula sa Maguindanao del Sur, 72 sa Maguindanao del Norte, 25 sa Lanao del Sur, 25 sa Special Geographic Area (SGA), 6 mula sa Cotabato City, at 4 mula sa mga komunidad sa labas ng rehiyon. Nakatakdang ipamahagi ang natitirang ayuda sa 14 pang kooperatiba sa mga susunod na araw.