Tatlong pangunahing proyekto sa imprastruktura ang sinimulan ng Ministry of Public Works (MPW) sa bayan ng Maluso upang tugunan ang suliranin sa baha, mapabuti ang mga daan, at suportahan ang kabuhayan ng mga residente.

Isinagawa ang groundbreaking ceremony sa konstruksiyon ng kalsada sa Sitio Badjao, Barangay Port Holland Zone II; isang triple-barrel concrete culvert sa Sitio Malimban; at connector road mula National Highway patungong Mubarak Village sa Barangay Taberlongan.

Ayon kay Provincial Project Engineer Madznur Estajal, layunin ng mga proyekto na mapigilan ang pag-apaw ng tubig tuwing malalakas ang ulan, na kadalasang nagiging hadlang sa pagbiyahe ng mga produktong agrikultural.

Matagal nang hinihiling ng mga residente ang mga ganitong uri ng proyekto upang maibsan ang epekto ng kalamidad sa kanilang kabuhayan.