Maghanda na, mga taga-Cotabato, dahil nakatakdang mawalan ng kuryente at suplay ng tubig ang malaking bahagi ng lungsod bukas, Linggo, Hulyo 13, 2025. Magsisimula ang power interruption mula alas-7 ng umaga at inaasahang tatagal hanggang alas-6 ng gabi.
Ang nasabing 11-oras na pagkawala ng kuryente ay may epekto rin sa serbisyo ng tubig sa buong saklaw ng Metro Cotabato Water District. Dahil dito, inaasahan ang makakaranas ng low pressure hanggang sa tuluyang kawalan ng tubig ang mga kabahayan at establisyimento. Ang sanhi ng power outage ay may kinalaman sa nakatakdang maintenance at pole replacement activity sa bahagi ng Sultan Kudarat.
Dahil sa sabayang pagkaantala ng kuryente at tubig, pinapayuhan ang publiko na maghanda nang maaga. Mainam na mag-imbak ng sapat na tubig para sa mga pangunahing pangangailangan sa loob ng maghapon. I-charge na rin agad ang mga cellphone, emergency light, at iba pang kagamitan habang may suplay pa ng kuryente upang hindi maabala sakaling magkaroon ng emergency.
Inaasahan din ang pagkaantala sa ilang serbisyo sa lungsod dahil sa sitwasyong ito. Hinihikayat ang lahat na magpakita ng pang-unawa at pasensya habang isinasagawa ang mga hakbang para sa ikabubuti ng serbisyo sa hinaharap.