Naaresto ng mga awtoridad ang isang 46-anyos na lalaki matapos siyang maaktuhang may dalang hindi lisensyadong baril sa isang checkpoint operation ng Balabagan Municipal Police Station sa Barangay Barorao, dakong alas-10:15 ng umaga nitong Linggo, Hulyo 13, 2025.
Sa isinagawang inspeksyon, narekober mula sa suspek ang isang kalibre .45 na baril na may bala sa chamber at apat pang karagdagang bala. Nabigong magpakita ng anumang kaukulang dokumento ang lalaki na magpapatunay ng legal na pagmamay-ari ng naturang armas.
Dinala na ang narekober na baril sa Provincial Forensic Unit–Lanao del Sur para sa ballistic examination, habang isinasagawa na rin ang beripikasyon ng pagmamay-ari sa pamamagitan ng koordinasyon sa Regional Civil Security Unit–BAR. Nakatakdang sampahan ng kaso ang suspek matapos makumpleto ang booking procedures.
Ayon kay Police Brigadier General Jaysen De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, patuloy ang pinaigting na kampanya ng kanilang hanay laban sa loose firearms upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko. Bahagi umano ito ng kanilang mas pinaigting na hakbang para mabawasan ang karahasang dulot ng mga ilegal na baril.