Bumagsak na sa kamay ng batas ang isa sa Top 5 Most Wanted Persons sa Maguindanao del Norte matapos ang matagumpay na operasyon ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) noong Hulyo 10, 2025 sa Barangay Poblacion, Datu Odin Sinsuat.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek sa alyas na “Renato,” 56 taong gulang, may asawa, at residente ng Barangay Labungan sa naturang bayan. Inaresto siya ng mga operatiba ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court sa Cotabato City kaugnay ng kasong murder.
Ayon sa ulat mula sa Maguindanao del Norte Police Provincial Office, maayos na ipinaalam sa suspek ang kanyang karapatang pantao sa wikang nauunawaan nito. Sa ngayon, nasa kustodiya na siya ng Datu Odin Sinsuat MPS para sa karampatang disposisyon.
Pinuri ni Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang determinasyon at propesyonalismong ipinakita ng mga tauhan sa operasyon. Aniya, patuloy ang pinaigting na kampanya ng kanilang hanay kontra kriminalidad sa buong rehiyon, kabilang ang pagtugis sa mga pinaghahanap ng batas.
Nanawagan rin si PBGEN De Guzman sa publiko na makiisa sa mga awtoridad sa pamamagitan ng maagap na pag-uulat ng kahina-hinalang aktibidad upang mas mapalakas ang kolektibong pagkilos para sa kapayapaan at hustisya sa Bangsamoro region.