Naghatid ng matinding kilig at nostalgia ang muling pagsasama ng iconic Taiwanese boy band na F4 matapos ang halos labindalawang taon ng pananahimik.

Noong Hulyo 12, 2025, sa huling gabi ng concert series ng sikat na banda na Mayday sa Taipei Dome, laking gulat ng libu-libong manonood nang biglang lumabas sa entablado sina Jerry Yan, Vic Chou, Vanness Wu, at Ken Chu — ang orihinal na F4 — para sa isang espesyal na performance.

Inawit ng F4 ang kanilang signature song na “Meteor Rain,” at sumama rin sila sa Mayday sa kantang “The Song of Laughter and Forgetting,” na ikinatuwa at ikinaiyak ng maraming fans sa arena at online. Ang espesyal na eksenang ito ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng F4 simula nang una silang sumikat noong 2001 sa hit series na Meteor Garden.

Ayon kay Ashin, lead vocalist ng Mayday, dalawang taon nilang pinlano ang reunion upang muling pagsamahin ang apat sa iisang entablado. Bagamat naging hamon ang paghahanapan ng schedule, nagtagumpay ang kanilang team para maisakatuparan ang reunion na matagal nang hinihintay ng mga fans.

Ito rin ang unang beses na nagsama-sama ang buong F4 sa isang live performance mula nang huli silang magpakita sa publiko noong 2013 sa Spring Festival Gala ng China.

Samantala, lumalakas ang usap-usapan sa Taiwan media na posibleng magkaroon ng 25th anniversary world tour sa 2026, na maaaring umikot sa Taiwan, China, at iba pang bahagi ng Asya. Gayunpaman, giit ng grupo, nais nilang tiyakin na ang anumang pagbabalik ay may saysay at artistic purpose, at hindi basta-basta isang commercial event.

Ang F4 ay naging household name sa buong Asia noong early 2000s dahil sa Meteor Garden at sa kanilang mga album na nagpatibok sa puso ng milyon-milyong tagahanga sa buong rehiyon.

Ang reunion na ito ay isang makasaysayang sandali hindi lang para sa F4, kundi para na rin sa buong henerasyong lumaki at umibig sa kanilang musika at kwento.