Mahigit P500,000 halaga ng smuggled at hindi dokumentadong sigarilyo ang nasamsam ng mga otoridad sa isang isinagawang operasyon sa Super Market sa Mother Barangay Poblacion, Cotabato City, dakong alas-11:30 ng umaga nitong Hulyo 11, 2025.

Sa pinagsamang puwersa ng Cotabato City Police Office, Public Safety Office, at Regional Intelligence Division ng PRO BAR, nakumpiska ang 35 kahon ng sigarilyong walang kaukulang graphic health warnings — paglabag ito sa Republic Act No. 10643 o ang Graphic Health Warnings Law.

Ayon sa ulat, bukas na ibinebenta ang mga sigarilyo sa ilang tindahan sa nasabing pamilihan. Ngunit mabilis na nakatakas ang mga may-ari ng tindahan bago pa man sila maaresto. Tinatayang nasa ₱507,500 ang halaga ng mga nakumpiskang produkto na agad na itinurn-over sa Police Station 1 para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Pinasalamatan ni Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang mabilis at koordinadong kilos ng mga operatiba. Giit niya, patunay ito ng seryosong kampanya ng PRO BAR laban sa ilegal na kalakalan at sa pagsunod sa mga batas pangkalusugan.

Dagdag pa ng opisyal, patuloy ang kanilang pinalalakas na mga intelligence operation at inter-agency coordination upang matuldukan ang smuggling at iba pang uri ng kriminalidad sa buong rehiyon ng Bangsamoro.