Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura ang kaso laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y crimes against humanity, at agad na palayain ang dating lider.
Batay sa redacted 10-pahinang dokumento na inilathala sa ICC website, iginiit ng mga abogado ni Duterte na sina Nicholas Kaufman at Dov Jacobs na nawalan ng hurisdiksiyon ang ICC dahil nabigo umano ang prosekusyon na magsagawa ng imbestigasyon sa loob ng itinakdang “time-period.”
Ayon sa defense, ang prosekusyon ang dapat managot sa kanilang “maling kalkulasyon” at huling hakbang. Iginiit nilang wala nang legal na basehan upang ituloy ang kaso, batay na rin sa mga opinyon ng ICC judges Perrin De Brichambaut at Gocha Lordkipanidz noong 2023.
Matatandaang kumalas ang Pilipinas mula sa Rome Statute noong Marso 2018, na naging epektibo noong Marso 2019. Subalit nagsumite lamang ng request ang ICC prosecution para sa full investigation noong 2021 at sinimulan lamang ito noong 2023.
Nanindigan naman ang prosekusyon na sakop pa rin ng ICC ang mga krimen mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019 — ang panahong kasapi pa ang Pilipinas sa Rome Statute.