Kumpirmadong itutuloy ng Commission on Elections (COMELEC) ang nakatakdang halalan para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections sa darating na Oktubre 13, 2025, kung saan 73 lamang na puwesto ang pagbobotohan.

Batay sa COMELEC Minute Resolution No. 25-0738 na inaprubahan noong Hunyo 17, 2025, ipinaliwanag ng komisyon na ang desisyong ito ay bunsod ng kawalan ng umiiral na batas na muling naglalaan o nagaayos sa pitong (7) distrito ng Bangsamoro Parliament na dating nakatalaga sa lalawigan ng Sulu.

Ayon sa COMELEC, matapos ang masusing pag-aaral at pagsasaalang-alang sa napakahigpit na pre-election timeline ng halalan sa rehiyon, minarapat ng komisyon na ituloy ang halalan para lamang sa 73 upuan. Nilinaw din ng ahensya na hindi maaapektuhan ang alokasyon ng mga puwesto sa ibang lalawigan sa loob ng BARMM.

Pansamantala, ang pitong bakanteng puwesto para sa mga kinatawan ng distrito mula sa Sulu ay ituturing na vacant o walang nakaupo. Ayon sa komisyon, ang mga bakanteng ito ay maaaring mapunan sa pamamagitan ng presidential appointment, desisyon mula sa Korte Suprema, o sa pamamagitan ng panibagong batas mula sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) o sa Kongreso ng Pilipinas.

Patuloy namang hinihikayat ng COMELEC ang mga mamamayan ng Bangsamoro na makiisa sa nalalapit na halalan sa ilalim ng temang “Bagong Simula, Bagong Bangsamoro.”