Hindi tinanggap ni Interim Chief Minister Abdulraof A. Macacua ang isinumiteng courtesy resignation ni Professor Eddie Alih, Deputy Minister ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG).
Batay sa opisyal na liham na inilabas ng tanggapan ng Chief Minister at ipinadala kay Deputy Minister Alih, ipinaliwanag na ang desisyon na tanggihan ang pagbibitiw ay bunga ng masusing pagsusuri at ebalwasyon sa naging performance nito bilang opisyal ng ahensya. Sa liham, nakasaad din na maaaring ipagpatuloy ni Alih ang kanyang tungkulin at mga responsibilidad sa loob ng ministeryo.
Samantala, taos-pusong nagpasalamat si Deputy Minister Alih kay Chief Minister Macacua sa ipinakita nitong tiwala at suporta sa kanyang pamumuno. Ani Alih, ang pagtanggi sa kanyang pagbibitiw ay lalo pang nagpapatatag sa kanyang paninindigan na maging mas tapat, masigasig, at epektibong lingkod-bayan.
Kaugnay nito, nangako si Alih na mananatili siyang buong pusong nakatuon sa kanyang tungkulin, kaagapay ng adhikain ng moral governance na isinusulong ng pamahalaang Bangsamoro. Binigyang-diin niya ang kanyang paninindigan na maglingkod sa rehiyon nang may sinseridad, pananagutan, at dedikasyon.