Isang Philippine Serpent Eagle (Spilornis holospilus) ang nasagip mula sa tiyak na kapahamakan at matagumpay na na-turn over sa tanggapan ng Community Environment, Natural Resources, and Energy Office (CENREO) ng First District ng Maguindanao del Norte noong Lunes, Hulyo 14.

Ayon sa ulat, ang nasabing agila ay unang nai-report ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng bayan ng Upi. Batay sa pahayag ni Ginoong Loui Lebeco, opisyal ng MENRO sa Upi, isang ibon na kahawig ng agila ang natagpuan sa kanilang lugar, kaya agad nila itong iniulat sa CENREO para sa tamang pagresponde.

Agad namang rumesponde ang team mula sa CENREO, at matapos ang masusing obserbasyon, nakumpirmang ang ibon ay isang Philippine Serpent Eagle—isang uri ng mailap na hayop na matatagpuan sa Pilipinas.

Batay sa salaysay ng isang residente mula sa Barangay Upper Nangi, nakita umano ng ilang kabataang lalaki ang naturang agila na nasa malapit sa Roma Falls. Ito ay mahina, hindi makalipad, at tila may iniindang karamdaman. Agad nila itong inihatid sa lokal na pamahalaan ng Upi para sa agarang aksyon at medikal na interbensyon.

Dinala na ang serpent eagle sa wildlife rehabilitation facility ng MENRE para sa gamutan at pangangalaga. Kapag ito’y tuluyang gumaling at handa nang bumalik sa kalikasan, ito ay muling pakakawalan sa ligaw na tirahan nito.

Samantala, nanawagan ang Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy (MENRE-BARMM) sa publiko na agad ireport sa kanilang tanggapan ang anumang saksing nasugatan, naligaw, o nawalan ng tirahan na mailap na hayop. Ito ay upang masiguro ang maayos na pag-aalaga at proteksyon ng wildlife sa rehiyon.