Naglabas ng General Flood Advisory #10 ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong umaga, Hulyo 19, 2025, kaugnay sa banta ng pagbaha dulot ng bagyong Crising.‎‎

Ayon sa ulat, namataan ang sentro ng tropical storm Crising (Wipha) sa layong 110 kilometro hilagang-kanluran ng Calayan, Cagayan bandang alas-3 ng madaling araw.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso hanggang 115 kilometro kada oras.

Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras, habang ang habagat ay patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao.‎‎

Sa susunod na labindalawang oras, inaasahan ang katamtaman hanggang malalakas na ulan at pagkulog, na maaaring magdulot ng biglaang pagbaha sa mga lugar na may mga ilog at sapa sa BARMM.‎‎

Partikular na binabantayan ang mga ilog at tributaryo sa mga lalawigan ng Maguindanao, kabilang ang mga lugar ng Nituan, Mindanao, Dalican, Allah, Buluan, Matuber, Mlang at Lower Mlang.

Sa Lanao del Sur, tinukoy ang mga ilog ng Dapao at Matling. Samantala, lahat ng ilog sa Tawi-Tawi at ang mga ilog sa Basilan partikular sa Gubaauan at Kumalarang ay posibleng umapaw.