Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa karumal-dumal na pagpaslang sa isang beteranong komentarista sa radyo sa Bislig City, Surigao del Sur.

Kinilala ang biktima na si Erwin “Boy Pana” Segovia, kilalang tagapagsalita ng programang “DIRITSAHAN” sa 98.1 Barangay Radio. Ayon sa inisyal na ulat, ilang minuto matapos ang kanyang live broadcast, pauwi na sana si Segovia nang tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Mangagoy. Dead on the spot ang biktima dahil sa tama ng bala.

Lumabas din sa social media post ng isang malapit na kaibigan ng biktima na hindi ito ang unang beses na tinangkang patayin si Segovia. Noong 2006, nakaligtas siya sa pamamaril at nanirahan pansamantala sa Kiamba, Sarangani. Sa kabila ng panganib, pinili pa rin ng biktima na bumalik sa kanyang propesyon bilang komentarista.

Mariing kinondena ng Philippine Campus Media Alliance (PCMA) ang pagpatay kay Segovia at tinawag itong isang lantad na banta sa malayang pamamahayag.

Samantala, naglabas rin ng pahayag ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na mariing kinokondena ang insidente. Nangako itong makikipagtulungan sa lokal na pulisya upang matiyak ang mabilis at patas na imbestigasyon sa kaso.

Umuugong ngayon ang panawagan mula sa iba’t ibang media groups at tagapagtanggol ng press freedom para sa mas mahigpit na proteksyon sa mga mamamahayag, lalo na sa mga nasa mga malalayong probinsya. Hangad ng marami ang hustisya para kay Segovia at ang agarang panagot sa mga nasa likod ng krimen.