Pormal nang tinanggap ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof A. Macacua ang pagbibitiw sa puwesto ni Atty. Sha Elijah B. Dumama-Alba bilang Minister ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Batay sa opisyal na liham na may petsang 21 Hulyo 2025, kinumpirma ng Office of the Chief Minister ang pagtanggap sa resignation na isinumite ni Atty. Dumama-Alba noong 24 Hunyo 2025. Epektibo ang kanyang pagbibitiw simula 21 Hulyo 2025.

Isinagawa ang kumpirmasyon sa pamamagitan ng liham na ipinadala kay Atty. Dumama-Alba sa kanyang tanggapan sa Cotabato City.

Si Atty. Dumama-Alba ay isa sa mga pangunahing babaeng opisyal ng BARMM, na dati ring nagsilbing Attorney General ng rehiyon bago italaga bilang MILG Minister.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Office of the Chief Minister ukol sa kung sino ang papalit sa posisyon ng MILG Minister.