Opisyal nang kinilala bilang Datu Romapunut o “Pinuno ng Kapayapaan sa Mindanao” si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Mojica Garcia, sa isang makasaysayang enthronement ceremony na ginanap nitong Sabado sa Dianaton Naim Gymnasium, Bayabao, Butig, Lanao del Sur.
Dinaluhan ang seremonya ng iba’t ibang lokal na opisyal, mga tradisyunal na pinuno, at mga kilalang Datu at Bai mula sa lalawigan at iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Ang titulong Datu Romapunut ay isa sa mga iginagalang na pagkilala sa kulturang Maranao, na sumisimbolo sa pagkakaisa, paggalang, at kapayapaan sa pamayanan.
Iginawad ang titulo kay Chairman Garcia bilang pagkilala sa kaniyang masigasig na pamumuno sa Comelec, at sa kaniyang ambag sa pagsusulong ng mapayapa, patas, at inklusibong halalan, lalo na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).