Umabot na sa P2.34 bilyon ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura dulot ng sunod-sunod na bagyo at ulang dala ng habagat noong nakaraang linggo, ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Agriculture (DA).

Apektado ang tinatayang 74,895 na magsasaka at mangingisda, kasunod ng pagkasira ng 53,356 metric tons ng ani sa humigit-kumulang 71,958 ektarya ng sakahan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Pinakamalaking tinamaan ay ang sektor ng palay, na nagtamo ng P1.27 bilyon na pinsala. Umabot sa mahigit 67,000 ektarya ng taniman ang napinsala.

Hindi rin nakaligtas ang sektor ng mais, na nalugi ng humigit-kumulang P83.44 milyon, habang 9,574 metric tons ng high-value crops ang nawasak dahil sa sama ng panahon.

Bilang agarang tugon, naglaan ang DA ng P653.01 milyon na ayuda sa mga apektadong magsasaka. Kabilang dito ang pamamahagi ng mga binhi, free-range na manok, fingerlings, at mga gamit kontra peste.

Samantala, ang National Food Authority (NFA) ay nakapamahagi na ng 43,940 sako ng bigas sa mga apektadong lokal na pamahalaan tulad ng Palawan, Pangasinan, at Albay.

Aktibo na rin ang Quick Response Fund (QRF) para sa mga hakbangin sa rehabilitasyon, habang inilaan naman ang P400 milyong pondo sa ilalim ng SURE Loan Program bilang tulong-pautang sa mga apektadong magsasaka. Walang interes ang nasabing loan at maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon.

Nagbigay din ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ng P268 milyong paunang bayad sa halos 46,000 insured na magsasaka, bilang bahagi ng kanilang crop insurance coverage.

Bagama’t hindi direktang tinalakay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pinsala ng kalamidad sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28, binigyang-diin niyang nakapagpaabot na ang administrasyon ng tulong sa mahigit 8.5 milyong magsasaka at mangingisda sa buong bansa