Isinampa na ng National Police Commission (Napolcom) ang mga kasong administratibo laban sa 12 aktibong pulis na sangkot umano sa misteryosong pagkawala ng ilang sabungero.

Kabilang sa mga isinampang kaso ay grave misconduct, irregular performance of duty, at conduct unbecoming of a police officer.

Nag-ugat ang reklamo sa salaysay ni Julie “Dondon” Patidongan, ang whistleblower na unang lumantad at idinawit ang mga pulis sa umano’y pagdukot at pagpatay sa mga sabungero. Ayon sa kanya, bayad umano ang mga pulis para isagawa ang krimen at itapon ang mga bangkay sa Taal Lake.

Sa kasalukuyan, ilang mga buto ang natagpuan sa ilalim ng lawa at isinailalim sa forensic analysis upang matukoy kung ito nga ay kaugnay sa nawawalang mga biktima.

Binigyan ng limang araw ng Napolcom ang mga akusadong pulis upang magsumite ng kanilang counter-affidavit.

Lumabas din ang alegasyon na may ilang personalidad mula sa sabong industry na sinasabing nagtangkang impluwensyahan ang imbestigasyon sa pamamagitan ng paglapit sa ilang opisyal ng Napolcom.

Ngunit giit ni Interior Secretary Jonvic Remulla, walang sinuman ang ligtas sa pananagutan: “Walang sacred cow dito—kahit mayor, gobernador, o senador pa, kakasuhan kung may sapat na ebidensya.”