Ipinahayag ni Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao ang kaniyang pagkadismaya sa naging tugon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 12 kaugnay ng mga suliranin sa kondisyon ng Sinsuat Avenue at drainage system sa bahagi ng national highway sa lungsod.
Sa ika-limang regular na sesyon ng 18th Sangguniang Panlungsod, na pinangunahan ni City Vice Mayor Johair S. Madag, inimbitahan ng lokal na pamahalaan ang kinatawan ng DPWH-12 upang direktang sagutin ang mga reklamo ukol sa umano’y kapabayaan sa kanilang mandato. Ayon kay Mayor Matabalao, labis niyang ikinadismaya na ang City Government pa ang gumagampan ng regular maintenance sa drainage system ng Sinsuat Avenue—na dapat ay saklaw ng DPWH.
Sa naturang sesyon, inilahad ni Engr. Faisal Nul ng DPWH-12 ang mga kinahaharap nilang hamon, kabilang ang pagbawas umano ng 17% sa pondo ng kanilang tanggapan mula sa pambansang pamahalaan. Bunga nito, nasa ₱800,000 lamang aniya ang inilaang pondo para sa manpower at materials mula Hulyo hanggang Agosto ngayong taon.
Ngunit, kinuwestiyon ni Mayor Matabalao ang katuwirang ito, at iginiit na sapat ang nasabing halaga upang maisagawa ang maintenance ng mga pangunahing lansangan tulad ng Sinsuat Avenue. Aniya, hindi rin umano nakikita ng publiko ang pitong maintenance personnel ng DPWH-12 na inaasahang nagtatrabaho sa nasabing lugar.
Dahil dito, nanawagan si Mayor Matabalao sa Sangguniang Panlungsod na magpasa ng resolusyon na humihiling sa DPWH-12 na magsumite ng kopya ng kanilang fund utilization report. Layunin nitong mabigyang-linaw kung paano ginagastos ang pondo ng ahensiya na inilaan para sa Cotabato City.