Nalampasan na ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang target nitong halaga ng investments para sa taong 2025, ayon sa Bangsamoro Board of Investments (BBOI).

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay BBOI Chairperson Mohammad Omar Pasigan, kinumpirma nitong pumalo na sa P4 bilyon ang kabuuang halaga ng mga pamumuhunan sa rehiyon—malinaw na mas mataas kumpara sa itinakdang target na P3 bilyon at higit pa sa naitalang investments noong nakaraang taon.

Ayon kay Pasigan, malaki ang naging papel ng mga bagong investments sa paglikha ng trabaho at kabuhayan para sa mga mamamayang Bangsamoro.

Aniya, naging susi sa tagumpay na ito ang matibay na suporta ng pamahalaang Bangsamoro na pinamumunuan ni Interim Chief Minister Abdulraof A. Macacua, at ang pagtutok nito sa pagbibigay ng kumpiyansa sa mga lokal at dayuhang mamumuhunan.

Ibinida rin ni Pasigan ang mga reporma sa ilalim ng “moral governance,” kabilang na ang ease of doing business, mabilis na proseso sa pag-aapply ng investment, at mga insentibong pangnegosyo na inaalok ng BARMM.

“Tunay itong tagumpay para sa buong rehiyon,” ani Pasigan. “Ang investments na ito ang magiging dugo ng ekonomiya ng Bangsamoro sa mga susunod na taon.”

Patunay ito, ayon sa BBOI, na patuloy na lumalago ang tiwala ng pribadong sektor sa pangakong kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.