Nakikita ng mga investors ang malaking potensyal sa Bangsamoro Region para sa pagtatayo ng industriya ng niyog o coconut industry—kabilang ang coconut plantation at processing—pati na rin ang mass housing o maramihang pabahay.
Sa eksklusibong panayam ng 93.7 Star FM Cotabato kay Bangsamoro Board of Investments (BBOI) Chairperson Mohammad Omar Pasigan, sinabi niyang umaabot sa ₱800 milyon ang kabuuang halaga ng investment para sa dalawang industriyang ito sa rehiyon.
Nilinaw ni Pasigan na hindi ang Bangsamoro Government ang naglaan ng nasabing pondo kundi ang mga pribadong investors mula sa labas ng rehiyon na nakakita ng potensyal sa lupaing Bangsamoro. Ayon pa sa kanya, hindi ito resulta ng partnership o collaboration, kundi kusang desisyon ng mga investor dahil sa magandang lokasyon, klima, at oportunidad para sa export, lalo na sa niyog na mataas ang demand sa ibang bansa.
Isa sa mga pangunahing kumpanya na namuhunan sa coconut export investment ay ang Dole Philippines, ayon kay Pasigan.
Dagdag pa niya, malaking tulong ito sa pangkalahatang pag-unlad at ekonomiya ng Bangsamoro Region.
Sa huli, tiniyak ng BBOI na bukas sila sa pagtulong sa mga mamumuhunan mula sa pagsisimula ng kanilang negosyo hanggang sa tinatawag na “aftercare,” kabilang ang pagbibigay ng mga insentibo gaya ng tax exemption mula sa National Government.