Kumpirmado ng 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army ang pagpanaw ng isang bagong tauhan nito na si Private Charlie G. Patigayon, na nakatalaga sa 6th Infantry (Redskin) Battalion.
Batay sa opisyal na pahayag, bigla umanong nawalan ng malay si Pvt. Patigayon habang isinasagawa ang isang traditional reception activity sa kampo ng 6th Infantry Battalion noong Hulyo 30, 2025.
Agad siyang dinala sa pinakamalapit na ospital at isinailalim sa masusing medikal na atensyon, subalit idineklarang patay kinabukasan. Paunang ulat medikal ang nagsabing may senyales ng kidney failure ang sundalo, na posibleng naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Agad namang naglunsad ng malalim na imbestigasyon ang pamunuan ng 6ID upang matukoy ang buong detalye ng insidente at kung may pananagutan sa nangyari.
Sa pahayag ng Command, iginiit nitong ang mga reception rites — na matagal nang tradisyon sa mga bagong miyembro ng militar — ay dapat isinasagawa sa paraang ligtas at ayon sa umiiral na polisiya ng Sandatahang Lakas. Anumang paglabag o pang-aabusong naglalagay sa panganib ang sinumang personnel ay mahigpit na ipinagbabawal at may kaukulang kaparusahan.
Muling iginiit ng 6th Infantry Division ang kanilang zero-tolerance policy laban sa mga gawaing lumalabag sa kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga sundalo.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang buong pamunuan ng 6ID sa pamilya ni Pvt. Patigayon at tiniyak ang pagbibigay ng kaukulang suporta sa mga naiwan nitong mahal sa buhay.