Pansamantalang inalis sa kanilang mga tungkulin ang 21 sundalo ng Philippine Army, kabilang ang dalawang opisyal, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay ng bagong Army recruit na si Private Charlie Patigayon sa loob ng kampo ng 6th Infantry Battalion noong Hulyo 30.

Kinumpirma ni Lt. Colonel Roden Orbon, tagapagsalita ng 6th Infantry Division (6ID), na kabilang sa mga ni-relieve ay isang commanding officer at isang executive officer na may ranggong first at second lieutenant. Ang natitirang personnel ay mga enlisted members ng platoong nasangkot sa isinagawang “reception rites” — isang tradisyunal na bahagi ng pagtanggap sa mga bagong sundalo sa yunit.

Batay sa inisyal na ulat, kidney failure ang itinuturong dahilan ng pagkamatay ng 22-anyos na si Patigayon. Gayunpaman, nilinaw ng pamunuan ng 6ID na patuloy ang kanilang malalimang imbestigasyon upang tukuyin kung may nangyaring paglabag sa umiiral na mga panuntunan, partikular na sa usapin ng maltreatment o hazing.

Ayon kay 6ID Commander Major General Donald Gumiran, hindi palalagpasin ng kanilang hanay ang anumang uri ng abuso. Aniya, kung mapapatunayang may pananagutan ang sinuman sa insidente, agad silang sasampahan ng kasong administratibo at sibil, at posibleng tanggalin sa serbisyo.

Si Patigayon ay bagong graduate ng Candidate Soldier Course sa Camp O’Donnell sa Capas, Tarlac, at kabubuo pa lamang bilang ganap na miyembro ng Philippine Army.

Lubhang ikinalungkot ng pamilya ng biktima ang sinapit ng binata, lalo’t hindi pa man ito nakakapaglingkod sa aktwal na operasyon ay pumanaw na agad matapos ang ilang buwang pagsasanay bilang sundalo.