Opisyal nang inilipat sa Zamboanga Peninsula o Region IX ang lalawigan ng Sulu mula sa dating nasasakupan nitong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), alinsunod sa bagong executive order na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang hakbang na ito ay bilang pagtupad sa naging desisyon ng Korte Suprema na nag-uutos ng muling pagsasaayos ng administrative jurisdiction ng lalawigan.

Ayon sa Palasyo, tiniyak ng Pangulo na mananatiling tuloy-tuloy ang pagbibigay ng pangunahing serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan ng Sulu sa gitna ng transisyon. Kabilang dito ang serbisyong pang-edukasyon, pangkalusugan, ayuda, at iba pa.

Binigyang-diin ng Malacañang na layunin ng transisyon na masigurong hindi maaantala ang serbisyo publiko habang inaayos ang koordinasyon sa pagitan ng BARMM at Region IX.

Inaasahan naman na maglalabas pa ng karagdagang direktiba at patakaran ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan kaugnay ng implementasyon ng nasabing transisyon.