Tiniyak ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua na nananatiling bukas ang pintuan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa lalawigan ng Sulu, kasunod ng paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Executive Order No. 91, series of 2025, na pormal na naglilipat sa lalawigan sa Zamboanga Peninsula o Region IX.

Ang naturang hakbang ay alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema, na nagpapatibay sa bisa ng 2019 BARMM plebiscite para lamang sa mga lugar na bumoto ng pabor sa pagsali sa rehiyon.

Ayon kay Macacua, bagamat masakit at mabigat sa damdamin ng maraming Bangsamoro ang desisyong ito, iginagalang nila ito bilang bahagi ng demokratikong proseso ng bansa.

Gayunpaman, iginiit ng punong ministro na magpapatuloy pa rin ang pagbibigay ng BARMM ng mga pangunahing serbisyo sa Sulu, kabilang na ang edukasyon, kalusugan, social services, at iba pa. Aniya, hindi hadlang ang pagbabago ng administrative boundaries sa pagpapatuloy ng tulong at ugnayan ng rehiyon sa mga mamamayan ng Sulu.

Dagdag pa ni Macacua, magpapatuloy ang kanilang koordinasyon sa ilalim ng mga probisyon ng Republic Act 11054 o Bangsamoro Organic Law, upang masigurong walang maiiwan sa layunin ng rehiyong makapaghatid ng makatarungan, mapayapa, at makabuluhang pamamahala.