Timbog ang isang hinihinalang high-value target (HVT) sa ikinasang buy-bust operation ng kapulisan sa Barangay Patani, Marawi City, kung saan nasabat ang tinatayang ₱1.7 milyong halaga ng hinihinalang shabu nitong Agosto 2, 2025.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Manap,” isang 44-anyos na negosyante mula sa bayan ng Tamparan, Lanao del Sur. Ayon sa mga awtoridad, matagal na siyang sinusubaybayan dahil sa impormasyong sangkot umano ito sa ilegal na kalakalan ng droga sa rehiyon.

Ang operasyon ay pinangunahan ng mga tauhan mula sa Lanao del Sur Police Provincial Office at Provincial Drug Enforcement Unit, kung saan nasamsam ang mga pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang halaga na ₱1,700,000.00.

Isinagawa sa mismong lugar ng insidente ang inventory at pagmamarka ng ebidensya sa presensya ng mga opisyal ng barangay at isang kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ).

Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang mga nakumpiskang droga, na isasailalim pa sa masusing pagsusuri ng forensic unit. Samantala, naka-detain ang suspek sa Marawi City Police Station at haharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinuri naman ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR), ang matagumpay na operasyon ng kanyang mga tauhan. Aniya, patuloy ang kanilang maigting na kampanya laban sa iligal na droga, at hindi magpapapigil sa pagtugis sa mga taong patuloy na sumisira sa buhay at kinabukasan ng mga mamamayan.