Pinag-uusapan ngayon ng lokal na pamahalaan ng Cotabato City ang planong ipaubaya sa pribadong kumpanya ang pamamahala ng Cotabato City Integrated Public Transport Terminal.

Ayon sa City Planning and Development Coordinator, mananatili pa rin sa pag-aari ng city government ang terminal. Ngunit ang pang-araw-araw na operasyon at pag-aasikaso nito ay balak ipagkatiwala sa pribadong sektor sa pamamagitan ng tinatawag na Public-Private Partnership o PPP.

Ipinaliwanag nila na sa ganitong setup, makakatipid ang gobyerno at mas mapapabuti pa ang serbisyo sa terminal. Ang mga gustong magnegosyo sa loob ng terminal ay kailangang magparehistro pa rin sa city government.

Sabi naman ni City Councilor Atty. Anwar Malang, kailangang ayusin muna ang lahat ng detalye bago ito buksan sa publiko. Dapat ay malinaw ang sistema para hindi ito magdulot ng abala sa mga pasahero at drivers.

Bagama’t malayo sa sentro ng lungsod ang bagong terminal, sinabi ng mga opisyal na makakatulong ito para mabawasan ang matinding trapiko sa downtown area. Layunin din ng proyekto na mapaunlad ang iba pang lugar sa lungsod.

Magkakaroon pa ng mga susunod na pagpupulong para pagdesisyunan kung itutuloy ang PPP o kung ang city government na mismo ang mamamahala sa terminal.