Kabilang sa mga naaresto ng Philippine National Police sa engkwentro laban sa Maute Group sa Lanao del Sur nitong Biyernes, Agosto 9, ang tatlong menor de edad na umano’y ginawang “child warriors” ng grupo.
Ayon kay PNP Chief PGen. Nicolas Torre III, kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Philippine Army ang mga kabataang nahuli at nakatakdang i-turn over sa Department of Social Welfare and Development para sa kinakailangang interventions. Giit ng hepe, malinaw na modus operandi ng Maute Group ang paggamit ng mga menor de edad sa armadong labanan — isang hakbang na tinawag niyang “kasuklam-suklam.”
Tiniyak din ni Torre na nagpapatuloy ang pursuit operations laban sa mga recruiter ng mga batang ito upang masampahan ng kaukulang kaso at mapanagot sa batas. Katuwang din aniya sa mga operasyon ang mga paaralan at lokal na pamahalaan para matukoy ang mga nangunguna sa recruitment ng naturang grupo.
Maliban sa mga naarestong personalidad, nakarekober din ang otoridad ng iba’t ibang high-powered firearms gaya ng M16, M14, M79 grenade launcher, kalibre .45 na baril, at iba pang armas at materyales.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Philippine Army sa Marawi ang mga naarestong miyembro ng Maute Group habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila. Samantala, ilang miyembro pa ng grupo ang nakatakas ngunit tukoy na umano ng otoridad ang kanilang pagkakakilanlan.