Umabot sa 49 na iba’t ibang uri ng kagamitang pandigma ang kusang isinuko ng mga residente ng Upi sa isang turn-over ceremony na ginanap noong Agosto 8, 2025 sa Municipal Hall ng naturang bayan.
Pinangunahan ng 57th Infantry (Masikap) Battalion sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Aeron T. Gumabao, katuwang ang 603rd Infantry (Persuader) Brigade na pinamumunuan ni Brig. Gen. Michael A. Santos PA, ang aktibidad. Nakipag-ugnayan din dito ang Municipal Task Force – Ending Local Armed Conflict (MTF-ELAC) ng Upi at ang United Nations Development Programme (UNDP) sa pamamagitan ng ASPIRE Project.
Kabilang sa mga isinukong armas ay cal. .30 Browning Automatic Rifle, 7.62mm rifles, M653 na may M203 grenade launcher, M14 rifles, Garand rifles, M1 carbines, grenade launchers, pistols, revolvers, at shotguns.
Ipinresenta ni Lt. Col. Gumabao ang mga armas kay Brig. Gen. Santos, na sinamahan nina Hon. Ramon A. Piang Sr., Member of Parliament ng BTA-BARMM; Hon. Ma. Rona Cristina A. Piang-Flores, Mayor ng Upi; at Mr. Ronnie Arop Jr., Project Manager ng UNDP. Sa ngayon, nasa pangangalaga ng 57IB ang lahat ng kagamitang isinuko para sa ligtas na custodiya.
Ayon kay Brig. Gen. Santos, malinaw na patunay ang matagumpay na pagsuko ng mga armas na mas pinipili na ngayon ng mga mamamayan ang kapayapaan kaysa karahasan. Bunga umano ito ng matibay na ugnayan at pagtutulungan ng komunidad, lokal na pamahalaan, at militar para sa seguridad at kaayusan sa lugar.
Para naman kay Maj. Gen. Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, mahalagang hakbang ang kampanya laban sa pagkalat ng loose firearms upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang karahasang dulot ng mga armadong grupo. Aniya, “Hindi lamang ito panalo ng militar, kundi tagumpay ng buong mamamayan ng Maguindanao del Norte at ng buong Gitnang Mindanao. Patuloy naming susuportahan ang mga inisyatibang magdadala sa atin sa mas ligtas at mas maunlad na kinabukasan.”
Bahagi ito ng pagpapatupad ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Program, na layong mabawasan ang bilang ng mga loose firearms sa mga komunidad. Sa ilalim ng programang ito, hinihikayat ang mga indibidwal at grupo na kusang isuko ang kanilang mga hindi lisensyadong armas upang mabawasan ang banta ng krimen at karahasan.
Katuwang din dito ang Assistance for Security, Peace, Integration, and Recovery (ASPIRE) Project ng UNDP, na sumusuporta sa mga inisyatiba para sa kapayapaan at seguridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng teknikal na tulong at pagpapalakas ng kakayahan ng mga lokal na pamahalaan at komunidad.