Nakumpleto na ng Committee on Bangsamoro Justice System ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament ang masusing pagsusuri sa panukalang Bangsamoro Transitional Justice and Reconciliation Act of 2025 at nakatakda na itong iharap sa plenaryo para sa debate. Pinangunahan ni MP Suharto Ambolodto ang komite at binigyang-diin na kabilang ang panukalang batas sa mga pangunahing prayoridad ni Chief Minister Abdulraof Macacua.
Bunga ito ng pinag-isang bersyon ng Parliament Bill No. 353 mula sa Government of the Day at Parliament Bill No. 25 na inihain ni Deputy Speaker Atty. Laisa M. Alamia. Bago maisumite, nagsagawa ng malawakang konsultasyon ang Technical Working Group on Transitional Justice and Reconciliation sa pamumuno ni Deputy Floor Leader at Minister of Social Services and Development Atty. Raissa H. Jajurie. Isinagawa ang public hearings sa Basilan, Cotabato City, Maguindanao, Lanao at Tawi-Tawi, kalakip ang pagsusuri sa mga position paper mula sa iba’t ibang sektor.
Nilalayon ng panukala na kilalanin at itama ang makasaysayang kawalan ng katarungan, maglatag ng malinaw na proseso para sa pananagutan, magbigay ng reparasyon sa mga biktima, magsulong ng reporma sa mga institusyon, at maiwasan ang pag-uulit ng paglabag sa karapatang pantao. Target din nitong magsilbing modelo para sa isang pambansang mekanismo ng transitional justice, bilang kontribusyon ng Bangsamoro sa mas malawak na pagkakasundo sa bansa.
Ayon kay Ambolodto, nakasaad sa Bangsamoro Organic Law at mahalagang bahagi ng Normalization Track ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro—na nilagdaan ng gobyerno at MILF noong Marso 27, 2014—ang transitional justice, at ito aniya ang “puso ng peace process” para sa rehiyon.