Umuusad pa-kanluran ang Bagyong Gorio habang nananatiling malakas sa Philippine Sea.
Ayon sa PAGASA, nasa 560 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes ang sentro ng bagyo. May dalang hangin na umaabot sa 120 kilometro kada oras malapit sa gitna at may bugso hanggang 150 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras, at nararamdaman ang lakas ng hangin hanggang 400 kilometro mula sa sentro.
Naka-Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang Batanes na maaaring makaranas ng hangin na may bilis na 39 hanggang 61 kilometro kada oras sa loob ng 36 oras. Posibleng itaas sa Signal No. 2 kung magbabago ang direksyon at lawak ng bagyo.
Pinapalakas ni Gorio ang habagat na magdadala ng malalakas na hangin sa Babuyan Islands at hilagang bahagi ng Cagayan ngayong araw, at sa Babuyan Islands, hilagang Cagayan, at hilagang Ilocos Norte bukas.
Sa karagatan, asahan ang sobrang taas ng alon na aabot sa 5.5 metro sa paligid ng Batanes, kaya delikado ang paglalayag para sa lahat ng sasakyang pandagat. Malalaking alon na hanggang 3.5 metro ang inaasahan sa hilaga at silangang baybayin ng Babuyan Islands, habang katamtamang taas ng alon ang posibleng maranasan sa ilang bahagi ng Cagayan, Isabela, at Aurora.
Batay sa kasalukuyang forecast, posibleng mag-landfall si Gorio sa silangang baybayin ng Taiwan bukas ng hapon at lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa gabi ng Agosto 13.
Pinapayuhan ang publiko at mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng paghahanda at sumunod sa mga abiso upang maiwasan ang pinsala sa buhay at ari-arian.