Sa kanyang mahigit dalawang oras na talumpati sa 6th State of the Bangsamoro Youth Address (SOBYA) ngayong Agosto 12, binigyang-diin ni Bangsamoro Youth Commission (BYC) Chairperson Nasserudin “Nas” D. DUNDING ang mahalagang papel ng kabataang Bangsamoro sa pagsusulong ng kapayapaan, moral governance, at inklusibong kaunlaran sa rehiyon.
May temang “Local Youth Actions for the SDGs and Beyond,” inilatag ni Dunding ang mga naging tagumpay, kasalukuyang programa, at mga susunod na hakbang ng BYC mula nang maitatag ito noong 2020. Kabilang dito ang Bangsamoro Youth Assessment Study, Gender and Development (GAD) Agenda 2026–2031, Bangsamoro Youth Volunteers Program (BYVP), at iba’t ibang youth-led peacebuilding, environmental, at skills development initiatives.
Tinukoy din niya ang mga hamon sa sektor ng kabataan, gaya ng mababang partisipasyon sa peacebuilding activities, kakulangan sa access sa senior high school at digital learning sa mga liblib na lugar, child and early marriage, kawalan ng sapat na hanapbuhay, at patuloy na problema sa pagbibigay ng ilang LGUs sa mandated na 10% SK fund.
Binigyang-pugay din ng Chairperson ang mga natatanging kabataang Bangsamoro na nagkamit ng karangalan sa edukasyon, siyensya, sports, sining, at serbisyo publiko sa loob at labas ng bansa.
Bilang bahagi ng kanyang panawagan, hinikayat ni Dunding ang lahat ng sektor—mula LGUs, ministries, development partners, hanggang sa grassroots communities—na magtulungan upang matiyak na ang bawat kabataang Bangsamoro ay may boses, may pagkakataon, at may kakayahang makibahagi sa paghubog ng mas mapayapa at maunlad na rehiyon.
“Kabataang Bangsamoro—hindi kayo tagasunod ng pagbabago, kayo mismo ang pinagmumulan nito,” mariing pahayag ni Dunding sa pagtatapos ng kanyang talumpati.