Mahigit pitong taong nakatago, nadiskubre at narekober ng mga tropa ng 7th Infantry (Tapat) Battalion ang iba’t ibang uri ng kagamitang pandigma sa Sitio Pusot, Barangay Baluan, Palimbang, Sultan Kudarat nitong hapon ng Agosto 12, 2025.

Batay sa ulat ni Lt. Col. Tristan Rey P. Vallescas, Commanding Officer ng 7IB, natunton ang kinaroroonan ng mga armas sa tulong ng impormasyon mula sa mga residente. Bago ang operasyon, nagsagawa ang militar ng pulong-pulong sa komunidad upang talakayin ang usapin ng seguridad at kapayapaan. Dito ibinunyag ng mga mamamayan na inilibing nila ang mga armas at pampasabog noong 2017.

Ayon sa pahayag ng mga residente, ginamit ang mga kagamitang ito noong 2016 bilang proteksyon laban sa mga bandidong gumagala sa lugar. Upang maiwasang magamit muli ng mga lawless armed group, napagpasyahan nilang boluntaryong isuko ang mga ito sa pamahalaan.

Kabilang sa narekober na kagamitang pandigma ang tatlong Carbine Cal. 30, isang Pistol Cal. 45, dalawang granada, isang 12-gauge shotgun, at isang Pistol Cal. 38.

Binigyang-diin ni Brigadier General Michael A. Santos, Commander ng 603rd Infantry Brigade, na patunay ang tagumpay na ito sa epektibong ugnayan ng militar at mamamayan. Aniya, “Hindi lamang ito bunga ng operasyon, kundi ng tiwala at kooperasyon ng ating mga kababayan. Patuloy tayong magsusumikap na masugpo ang banta ng karahasan upang makamit ang kapayapaan sa ating nasasakupan.”

Samantala, pinuri ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang hakbang ng mga residente na kusang-loob na isuko ang tinaguriang tools of violence.

Itinuturing ng Armed Forces of the Philippines na isa na namang tagumpay ang operasyong ito sa patuloy nilang misyon, katuwang ang mamamayan, na mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa buong rehiyon.