Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Lanao del Sur Police Provincial Office, Malaybalay City Police Station, at PNP Regional Intelligence Unit ang Top 7 Most Wanted Person ng Lanao del Sur Police Provincial Office sa isinagawang operasyon noong Agosto 13, 2025 sa Purok Cinco, Barangay Nuebe, Malaybalay City, Bukidnon.

Batay sa ulat ng Lanao del Sur Police Provincial Office, ang suspek na kinilala sa alyas na “Tingagun,” nasa hustong gulang at residente ng Malaybalay City, ay kabilang din sa Top 2 Most Wanted Person sa antas ng munisipyo. Inaresto ito sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Frustrated Murder na may inirekomendang piyansang ₱200,000.

Ang pag-aresto ay bunga ng pitong buwang masusing surveillance at intelihensiya na isinagawa ng Marantao Municipal Police Station. Matapos matanggap ang impormasyon mula sa mga concerned citizens, matagumpay na natunton at nadakip ng mga pulis ang suspek na matagal nang nagtatago mula nang malaman ang paglalabas ng warrant laban sa kanya.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Marantao Municipal Police Station ang suspek para sa tamang disposisyon.

Pinuri ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang dedikasyon ng mga operatiba at ang matagumpay na operasyon, at nanawagan sa publiko na patuloy na maging kaagapay ng pulisya sa laban kontra kriminalidad.