Sa patuloy na kampanya ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) laban sa mga pugante, matagumpay na naaresto ang anim (6) na indibidwal na kabilang sa Top 7 Most Wanted Persons sa antas-munisipyo sa isinagawang pinagsanib na operasyon noong Agosto 13, 2025 sa Sitio Kabutoyen, Barangay Blensong, Upi, Maguindanao del Norte.

Ang operasyon ay isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Maguindanao Provincial Field Unit, kasama ang Tracker Team ng Upi Municipal Police Station at iba pang katuwang na yunit. Inaresto ang mga suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Lascivious Conduct sa ilalim ng Section 5(b) ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, na inilabas ng Presiding Judge ng RTC Branch 13, Cotabato City, na walang inirekomendang piyansa.

Dinala ang mga naarestong indibidwal sa CIDG Maguindanao PFU para sa dokumentasyon at tamang disposisyon bago ibalik sa korte ang warrant of arrest.

Pinuri ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang mabilis at koordinadong aksyon ng mga operatiba at muling iginiit ang matibay na paninindigan ng PRO BAR sa paghahatid ng hustisya, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa karahasan laban sa mga bata.