Isinapubliko ng dating aktres na si Nadia Montenegro ang kanyang written explanation at resignation letter na isinumite niya sa Chief of Staff ni Senador Robin Padilla na si Atty. Rudolf Jurado.

Sa kanyang liham, sinabi ni Montenegro na matapos maisama ang kanyang pangalan sa incident report kaugnay ng umano’y paggamit ng marijuana sa loob ng gusali ng Senado sa Pasay City, siya umano ay naging biktima ng “publicity trial” at matinding pambabatikos, kabilang na ang pagtawag sa kanya na adik.

Aniya, “I was unfairly subjected to publicity trial, misjudgments, bashings and grave humiliation. My children were unjustly became the subject of ridicule, calling them the children of a ‘drug addict’. One comment even said maybe my children are drug addicts as well.”

Dagdag pa niya, hindi siya guilty, at ang kanyang pagbibitiw ay hindi dapat ituring na pag-amin, kundi tanda ng respeto kay Senador Padilla at sa Senado.
“My decision to resign should not be misconstrued as an admission of guilt—it is not. Rather, it is a demonstration of my deep respect for the Senate and Senator Padilla’s office, so that this issue does not cause further distraction or harm,” paliwanag pa ni Montenegro.

Matatandaan na bago ang kanyang pagbibitiw, pansamantala muna siyang pinagleave ni Padilla habang nagpapatuloy ang internal investigation.

Batay sa incident report na may petsang Agosto 13, iniulat ng security personnel na si Victor Patelo na dalawang beses siyang nakaramdam ng hindi pangkaraniwang amoy sa ilang bahagi ng Senado.

Una, noong ikalawang linggo ng Hulyo, nang may nag-report tungkol sa isang male staff na tila may kakaibang amoy ngunit walang nakitang naninigarilyo. Ikalawa, nitong Agosto 12, nang lumapit ang staff ni Senador Panfilo Lacson at nag-ulat ng kakaibang amoy mula sa comfort room ng mga babae sa 5th floor, malapit sa extension offices ng mga senador.

Inihayag na tila amoy marijuana ang nasagap at si Montenegro lamang umano ang nandoon sa lugar sa oras na iyon. Ayon sa security personnel, naamoy din ito nang dumaan sa kanyang pwesto si Nadia.

Mariin namang itinanggi ng dating aktres na siya ay nanigarilyo o gumamit ng marijuana, at iginiit na ang dala niyang vape ang posibleng pinagmulan ng amoy.

Sa ngayon, nakapasa na ang investigation report sa Office of the Senate President kasunod ng insidente.