Nilinaw ni Councilor Hunyn Abu ang mga isyung ipinupukol sa kanya kaugnay ng Philippine Councilors League (PCL) at ang umano’y pagsisinungaling tungkol sa kanyang biyahe. Ayon sa kanya, malinaw ang travel order na pirmado ni Mayor Bruce “BM” Matabalao—Palawan, hindi Boracay, ang destinasyon.

“Huwag magpakalat ng fake news. Siguraduhin muna ang kwento bago manira,” ani Abu.

Ayon sa kanya, may sapat siyang ebidensya para patunayan ang katotohanan, ngunit nararapat itong idulog sa tamang venue tulad ng Ombudsman o korte, at hindi sa social media.

“Ang mga seryosong usapin ay hindi dapat gawing pampublikong palabas para lamang makakuha ng simpatiya,” dagdag niya.

Nagbalik agad dahil sa mahalagang tungkulin
Ipinaliwanag din ni Abu na ang seminar sa Palawan ay naka-iskedyul noong Hunyo 19, kaya bumiyahe siya noong Hunyo 18. Gayunpaman, habang nasa biyahe, nakatanggap siya ng tawag na nagsasabing hindi matutuloy ang State of the City Address (SOCA) dahil walang quorum.

“Dahil sa urgency ng sitwasyon, bumalik ako agad sa Cotabato City. Hindi ko naman mahahati ang katawan ko. Ako ay isang elected councilor at PCL President, hindi ako manananggal,” ani Abu na may bahid ng biro.

Panawagan sa katotohanan
“Huwag tayong magbulag-bulagan. Kung kasinungalingan ang usapan, baka mas magandang tumingin muna sa salamin—baka nandoon ang sagot sa hinahanap mo,” dagdag ni Abu.

Nanindigan siya na ang tamang proseso at katotohanan ang mananaig sa usaping ito.

Matatandaan na nag-file ng kasong dishonesty, misconduct, at gross neglect of duty si Cotabato City Mayor Bruce Matabalao laban kay Councilor Hunyn Abu. Ayon kay Matabalao, hindi dumalo si Abu sa isang mahahalagang event ng gobyerno at peke ang dahilan niyang seminar sa Boracay (Palawan).

Iginiit ni Abu na lehitimo ang kanyang biyahe at may sapat siyang ebidensya upang ipagtanggol ang sarili.

Tinutukoy niya ang kahalagahan ng tamang proseso sa mga isyu at hindi ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon sa social media.