Posibleng muling magbigay ng karangalan para sa Pilipinas ang two-time international practical shooting champion na si Acol Pascual.

Inaasahang irepresenta niya ang bansa sa pinakamalaking practical shooting competition sa buong mundo na gaganapin ngayong Oktubre sa South Africa.

Ito ay matapos niyang muling magpakitang-gilas sa katatapos lamang na 2nd Bataan Level III Invitational Shooting Competition “Confirmation Match for Handgun World Shoot” nitong Enero, kung saan siya ang nagwagi bilang kampeon.

Ang nasabing kompetisyon ay ginanap sa Bataan at nagsilbing daan upang masuri ang kakayahan ng mga kalahok para sa international competition.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Dagupan kay Pascual, inamin niyang hindi madali ang kanyang paghahanda dahil sa umiiral na gun ban sa bansa kaugnay ng nalalapit na eleksyon.

Sa kabila nito, patuloy ang kanyang dry training upang mapanatili ang kanyang husay at disiplina sa laro.

Samantala, inaasahang ilalabas ngayong Pebrero ang opisyal na listahan ng mga miyembro ng national team na sasabak sa world competition.

Lahat ay umaasang kabilang si Pascual sa mga pipiliin upang muling ipakita ang galing ng mga Pilipino sa larangan ng practical shooting.

Abangan ang susunod na mga balita para sa updates tungkol kay Acol Pascual at sa kanyang paglalakbay patungo sa South Africa.