Nagsagawa ng dialogue noong Oktubre 7, 2025 sa Camp Bushra, Butig, Lanao del Sur ang 1st Infantry “Tabak” Division ng Philippine Army, kung saan muling pinagtibay nila ang kanilang pangako sa pagpapanatili ng kapayapaan at kooperasyon kasama ang Bangsamoro Islamic Armed Forces – Moro Islamic Liberation Front (BIAF-MILF).

Pinangunahan ang pagtitipon ni Major General Yegor Rey P. Barroquillo Jr., Commander ng 1st Infantry Division at Joint Task Force ZAMPELAN, kasama ang mga senior Army officers. Kasama rin si Member of Parliament Basit “Jannati Mimbantas” Abas, Commander ng North Eastern Mindanao Front (NEMF) ng BIAF-MILF.

Tinalakay sa pagpupulong ang mga hakbang para sa pagpapalakas ng tiwala, maayos na koordinasyon, at bukas na komunikasyon sa pagitan ng AFP at MILF, na layong mapanatili ang matatag at pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro region.

Ayon kay Major General Barroquillo, “Dapat palaging piliin ang diyalogo at pagkakaunawaan kaysa alitan. Ang pagtitipon na ito ay patunay ng ating sama-samang hangarin na panatilihin ang kapayapaan at protektahan ang mga komunidad.”

Samantala, pinasalamatan ni MP Abas ang AFP sa tuloy-tuloy na suporta sa peace process. “Maraming salamat sa 1st Infantry Tabak Division, hindi lamang bilang tagapagtanggol ng soberanya, kundi bilang tagapangalaga rin ng mamamayan,” wika ni MP Abas.

Naging maayos ang pagpupulong, puno ng paggalang, mainit na pagtanggap sa kultura, at bukas na talakayan, na nagpakita ng matibay na pakikipag-partner ang AFP at MILF. Parehong tiniyak ng dalawang panig ang patuloy na pagpapatupad ng mga kasunduan sa kapayapaan at maayos na koordinasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Patuloy na isinusulong ng Tabak Division ang inclusive peace engagements at kooperasyon sa mga komunidad bilang suporta sa peace and development agenda ng pamahalaan sa Mindanao.

Photo credits: 1st Infantry “Tabak” Division, Philippine Army