COTABATO CITY — Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tanging seguridad lamang ang kanilang naging papel sa kontrobersyal na retrieval operation ng Commission on Audit–BARMM (COA-BARMM) Special Audit Team sa tanggapan ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) noong Setyembre 5, 2025.

Sa isang eksklusibong panayam ng 93.7 Star FM Cotabato, sinabi ni Lt. Col. Roden R. Orbon, tagapagsalita ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, na kumilos lamang ang kanilang tropa base sa kahilingan ng COA National Office.

“Nag-request lang ang COA National na tulungan sila at ‘yun ang ginawa natin. Nag-provide tayo ng security sa kahit sino na nagre-request, gaya ng mga rallies, advocacy drive, o iba pang aktibidad. Ganun din po ang nangyari noong September 5,” paliwanag ni Orbon.


On Allegations of Heavy-Armed Presence

Mariing itinanggi ni Orbon ang alegasyon na mga heavily armed personnel mismo ang humawak at kumuha ng dokumento mula sa MBHTE.

“Ang tropa natin, ay hindi humawak dokumento at boxes. taga coa at pnp ang nagbuhat ng boxes. Nakisuyo ang COA team dahil kakaunti lang sila, apat o lima. Hindi sila heavily armed. Yung dala lang nila, basic na kagamitan. Normal na presensya po ng Marines ‘yan sa BGC area,” dagdag pa niya.

Ayon kay Orbon, ang mga dokumento ay mula sa COA-BARMM office na incidentally lamang ay nasa loob ng MBHTE compound.


With Proper Authority and Coordination

Kinumpirma ng opisyal na mayroong direktiba mula sa pamunuan ng 6ID para mag-deploy ng tropa matapos makatanggap ng opisyal na request mula sa COA National.

“May authority ang tropa natin na pumunta roon. Hindi ito operation ng AFP o ng PNP, kundi undertaking ng COA National kung saan tayo naatasang magbigay ng security assistance,” aniya.

Bagama’t hindi tiyak ang detalye ng coordination, sinabi ni Orbon na nakatitiyak siyang may ugnayan ang COA National sa kanilang regional counterparts at maging sa MBHTE bilang subject ng audit.


On MBHTE’s Statement of Fear and Disruption

Matatandaang inihayag ng MBHTE, sa pamumuno ni Minister Mohagher Iqbal, na “uncalled for” ang pagpasok ng mga armadong personnel sa kanilang premises, na nagdulot umano ng takot at pagkagambala sa kanilang mga empleyado.

Sa panig ng AFP, iginiit ni Orbon na wala silang nilabag na batas at walang nasaktan sa isinagawang operasyon.

“Nirerespeto natin ang pahayag ni Minister Iqbal. Kung sa tingin nila may naagrabyado o natakot, we respect their plan kung gusto nilang dumaan sa legal remedies. Handa kaming makipagtulungan. Pero sa ganang atin, wala tayong na-violate na batas — nag-assist lang tayo sa COA team,” ayon kay Orbon.


Respect and Cooperation

Bagama’t pinaninindigan ng AFP na tama ang kanilang naging papel, tiniyak ni Orbon na bukas sila sa dayalogo at pakikipag-ugnayan sa MBHTE at iba pang opisyal ng BARMM upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa hinaharap.

“Ginawa lang po namin yung tungkulin na mag-provide ng assistance. May respeto po kami sa pamunuan ng MBHTE at kung kinakailangan ng inquiry, handa po kaming makipagtulungan,” pagtatapos ng opisyal.