Pinapurihan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang patuloy na pagdami ng suporta mula sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa para sa pagsusulong ng pambansang interes sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon sa AFP, malinaw na ipinapakita ng mga bagong resolusyon mula sa iba’t ibang Provincial Peace and Order Councils (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Councils (PADAC), at Provincial Task Forces to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) ang pagkakaisa ng mga LGU sa pagtatanggol ng soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas.

Lubos ang pasasalamat ng AFP sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas, Cavite, at Quezon sa kanilang liderato at konkretong hakbang para suportahan ang adbokasiya ng bansa laban sa ilegal na aktibidad sa karagatan at panlabas na impluwensiyang labag sa batas.

Kasabay nito, muling tiniyak ng AFP ang matibay nilang paninindigan sa kanilang tungkulin na ipagtanggol ang karapatan ng bansa sa ilalim ng Konstitusyon. Patuloy din umano silang makikipagtulungan sa mga LGU, ahensya ng pamahalaan, at iba pang sektor upang isulong ang “Mulat” Communication Plan—isang kampanyang layong palawakin ang kaalaman ng mamamayan tungkol sa isyu sa WPS at paigtingin ang pagkakaisa ng sambayanan.