Sa huli, naglabas na ng pahayag si dating Interim Chief Minister (ICM) Ahod B. Ebrahim kaugnay ng kanyang pagbaba sa posisyon bilang pinuno ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa kanyang opisyal na mensahe, ipinahayag niya ang suporta kay Hon. Abdulraof A. Macacua, na pormal nang umupo bilang bagong ICM ng BARMM.
Ayon kay Ebrahim, si Macacua, na kilala rin bilang “Sammy Gambar,” ay may malawak na karanasan sa pamamahala, lalo na bilang Gobernador ng Maguindanao del Norte habang nananatili ring Chief of Staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Binigyang-diin niya ang kahusayan ng bagong ICM sa pamumuno at dedikasyon sa kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Sa kabila ng pagbaba niya sa puwesto, tiniyak ni Ebrahim na mananatili siyang nakatuon sa kanyang tungkulin bilang chairman ng MILF at ng political party nito, ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP).
Bukod dito, isinapubliko rin ni Ebrahim ang kanyang pasasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pag-aalok sa kanya ng posisyon bilang miyembro ng Parliament ng BARMM.
Gayunman, kanyang inihayag ang desisyon niyang magalang na tanggihan ang naturang appointment.
Ang pahayag na ito ay nagmamarka ng bagong yugto sa pamumuno ng BARMM, kasabay ng patuloy na pagsisikap tungo sa isang mas maunlad at mapayapang Bangsamoro.