Nilinaw ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao na nananatiling payapa ang lungsod sa kabila ng mga nagdaang insidente ng pamamaril.
Binigyang-diin ng alkalde na walang katotohanan ang kumakalat sa social media na araw-araw ay may pinapatay sa lungsod. Ayon kay Mayor Matabalao, exaggerated at gawa-gawa lamang ang ilan sa mga ulat na naglalayong sirain ang imahe ng Cotabato City.
Giit ng alkalde, kontrolado at generally peaceful pa rin ang seguridad sa lungsod, at mas mababa ang bilang ng mga kaso ng pamamaril kumpara sa mga nakaraang taon. Kasabay nito, tiniyak ni Matabalao na paiigtingin ng City Police at Philippine Marines ang seguridad sa pamamagitan ng random checkpoints at dagdag na force multipliers.
Maglalabas din siya ng Executive Order para sa pagtalaga ng civilian police auxiliaries sa mga kritikal na lugar.
Panawagan ng alkalde sa publiko huwag agad maniwala sa maling impormasyon at makipag-ugnayan sa City Government o kapulisan kung may alam tungkol sa pamamaril. Patuloy ang lungsod sa pagpapanatili ng kapayapaan at tiwala ng mamamayan.