Patay sa lugar ng insidente ang isang motorcycle driver matapos pagbabarilin sa bahagi ng Barangay Ladtingan, Pikit, Cotabato kahapon ng hapon, Mayo 27.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Daren Hadji Ali, kilala bilang alyas Longhair, at residente ng Tugunan, SGA-BARMM.

Ayon sa salaysay ng tiyuhin ng biktima, binabagtas ni Alyas Longhair ang kahabaan ng daan sakay ng kanyang motorsiklo nang maramdaman nitong tinambangan siya sa Barangay Ladtingan gamit ang hindi pa tukoy na uri ng armas.

Ikinamatay ni Alyas Longhair ang ilang tama ng bala sa dibdib.

Dahil sa insidente, walang nagawa ang mga kaanak kundi iuwi ang labi ni Alyas Longhair sa kanilang tahanan at isagawa ang paglilibing alinsunod sa tradisyon ng Islam.

Patuloy namang iniimbestigahan ng kapulisan ng Pikit ang insidente ng pamamaril.