Nasawi ang isang ama habang sugatan naman ang kanyang apat na taong gulang na anak na babae matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Barangay Balatican, Pikit, North Cotabato, bandang alas-onse ng umaga ngayong araw.

Ayon sa mga residente, nagulat sila nang makarinig ng magkakasunod na putok ng baril. Pagkatapos ng ilang sandali, natagpuan nilang nakahandusay sa kalsada ang mag-ama.

Dead on the spot ang ama, habang ang bata naman ay nagtamo ng tama ng bala sa hita at agad na dinala ng mga opisyal ng barangay sa pinakamalapit na ospital para sa agarang lunas.

Batay sa paunang imbestigasyon, tinutugis umano ng mga suspek na sakay ng motorsiklong riding-in-tandem ang mag-ama na noo’y nakasakay sa isang dilaw at puting Honda XRM 125.

Kinilala ang nasawing biktima na si Jeric Talib, habang ang kanyang anak ay nakilalang si Johana Talib, mga residente ng Sitio Salakop, Barangay Tinutulan, sa nasabing bayan.

Ayon pa sa ulat, patungo sana sa palengke ang mag-ama bilang paghahanda sa taajia o paggunita sa pagkamatay ng kanilang bunsong anak na nalunod kamakailan.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril, subalit lumalabas sa inisyal na ulat na posibleng personal na alitan ang dahilan ng krimen.