Ipagdiriwang bukas, Hunyo 26, 2025, ang Amun Jadid o Islamic New Year, na magsisilbing unang araw ng buwan ng Muharram sa kalendaryong Islamiko.
Batay sa Bangsamoro Autonomy Act No. 39 o Bangsamoro Holidays Act of 2023, at alinsunod sa Proclamation No. 0006 s. 2024 na inilabas ng Office of the Chief Minister, ang Amun Jadid ay itinuturing na Special Working Holiday sa buong rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ibig sabihin, tuloy pa rin ang pasok sa trabaho sa mga pampubliko at pribadong tanggapan sa rehiyon, habang kinikilala ang kahalagahan ng naturang pagdiriwang para sa mga kapatid na Muslim.
Ang Amun Jadid ay isa sa mga itinakdang opisyal na Muslim na pagdiriwang sa ilalim ng Presidential Decree No. 1083, ngunit dahil hindi ito kabilang sa listahan ng regular holidays sa ilalim ng BAA 39, ito’y kinikilala bilang special working holiday lamang.